MAY BAGWIS ANG PAG-IBIG
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Picture credit to steemit.com
(Nailathala sa Asian Journal San Diego sa mga sumusunod na issues:
Kabanta 1 : http://www.scribd.com/doc/35811631/Asian-Journal-Aug-13-2010
Kabanata 2 : http://www.scribd.com/doc/37586860/Asian-Journal-Aug-27-Sept-3-2010
Kabanata 5 : http://www.scribd.com/doc/37587862/Asian-Journal-Sept-17-23-2010)
(Lumabas din sa www.definitelyfilipino.com noong Setyembre 16, 2012
http://definitelyfilipino.com/blog/2012/09/16/labanan-sa-spratly-islands-panaginip-ba-lamang/)
Kabanata 1 - Nangyari ang isang hiwaga
Malalim na ang gabi ay di pa nakauuwi si Tatay Dencio. Inip na inip na sa paghihintay si Kiko at si Neneng. Gutom na sila at walang mainit na pagkain. Ibig na nilang matulog upang malimutan ang gutom at ang pangambang baka may nangyaring masama sa kanilang ama. Nguni’t di sila makatulog.
Tumila na ang ulan. Masama ang panahon simula nang magtatanghali. Nang maaga pa ay maganda ang sikat ng araw. Pumalaot si Tatay Dencio kasama ang isang pangkat ng mangingisda, gaya ng nakagawian, upang humakot ng isda sa pamamagitan ng lambat at wala siyang hinuha na may nagbabadya palang sama ng panahon.
Di nga nakapaglaro sa labas ng bahay ang magkapatid dahil sa bumuhos ang malakas na ulan na may kasama pang malakas na hangin pagdating ng hapon. Malamig ang gabi at basa ang paligid. Karaniwang dumarating ang kanilang ama mula sa pangingisda bago lumubog ang araw. Agad siyang umiigib ng tubig na pang-inom nila at gamit sa pagluluto. Pinaliliyab niya ang kalan at iniluluto ang ano mang nahuhuli sa dagat. Si Tatay Dencio ay ama at ina sapagka’t sumakabilang-buhay na ang ina ng mga bata.
Naiiba ang gabing ito sapagka’t malamig at tahimik ang kusina. Wala ni anino man ng ama. Nagpasiya si Kiko, -- Neneng, halinang lumabas at hanapin natin si ama, -- wika niya.
-- Saan natin siya hahanapin e pagkadilim-dilim sa labas? -- sagot ni Neneng. Samantala ay umaalingawngaw ang hagupit ng dagat sa mga batuhan.
Magka-akay ang magkapatid na tinahak ang landas patungo sa daungan ng mga bangka. Napadaan sila sa isang matanda at matayog na puno ng akasya at doon ay sumilong nang panandalian sapagka’t naakit sila sa mga alitaptap na ang liwanag ay kumukutitap.
-- Ha, ha, ha, ha, sa wakas ay nasukol ko rin kayo! -- nakagugulat na bati ng kapre. Nakaupo sa malaking sanga ng puno ang kapre at nanabako nang ito ay dali-daling nagpahulog at agad ikinulong ang magkapatid sa loob ng kanyang mabuhok at malalaking bisig.
-- Ha, ha, ha, ha, ipagsasama ko kayo sa kaharian sa ilalim ng puno. -- At ang magkapatid na kapuwa dala-dala ng kapre sa kanyang mga bisig ay nagpapapalag at naghihihiyaw nguni’t ang pagtutol nila ay di alintana ng halimaw.
Maliwanag at malawak ang pook na iyon sa ilalim ng puno. Kanais-nais ang simoy at maririnig ang tawanan at pagsasaya. May sumalubong sa magkapatid na tila ina ang anyo na napakaamo ang mukha.
-- Huwag kayong matakot. Batid ko na kayo’y lipos ng pag-aalaala sa inyong ama. Tutulungan ko kayong hanapin siya. Samantala ay kumain kayo ng hapunan at uminom ng katas ng pinya. --mahinahong samo ng magandang babae.
Napansin ng magkapatid na hindi sumasayad sa lupa ang mga paa ng babae. Siya’y lumulutang sa hangin. Sa dakong tila hardin sa di kalayuan ay namamasid nila ang mga batang nagsisipaglaro. At sila rin ay lumulutang, lumilipad sa hangin, katulad ng babae. Naghahabulan ang mga bata, nagpapaikot-ikot sa hangin at nakalatag ang mga bisig na tila mga ibong may pakpak.
-- Ang mga bata, sino-sino po sila? -- tanong ni Neneng sa babae.
-- Sila’y mga anak ko na. Sila’y naulila na sa ina at ama. Sino pa ang mag-aaruga sa kanila? -- paliwanag ng babae.
-- Bakit po may kapre sa puno? -- usisa ni Kiko.
-- Ayaw kong makapasok dito ang di naman nararapat. Kinatatakutan ang kapre, kung kaya’t walang naliligaw dito na makikialam o magnanakaw lamang. -- dagdag ng babae.
-- Ako naman ang magtatanong. Neneng, mahal mo ba ang iyong ama? -- pakli ng babae.
-- Opo. Mahal na mahal po. Ibig ko pong laging nakikita at nakakasama siya. Masaya po kami at laging nasa mabuting kalagayan kapag nasa piling kami ni ama. -- Patiyak ni Neneng.
-- Ako rin po, Nana, mahal na mahal ko po si ama. Sana po ay magkasama kami nang habang buhay at nang sa kanyang pagtanda ay mapaglilingkuran ko rin siya katulad ng paglilingkod niya sa amin ngayon. -- Pahayag naman ni Kiko.
Pinalapit ng babae ang magkapatid sa isang tila palanggana na puno ng tubig. -- Tunghan ninyo ang larawan na lilitaw sa tubig. --Wika niya. At nakita ng magkapatid ang larawan ng kanilang ama na nakakapit sa isang putol ng kahoy at lulutang-lutang siya sa kalagitnaan ng dagat.
Lumakas ang uga ng alon at tumaob ang bangka ni Tatay Dencio nang dumaan ang masamang panahon nang hapong iyon. Bibitiw na sana sa putol ng kahoy ang mangingisda sanhi ng pagod at lamig. Kung sa bagay ay nawalan na siya ng siglang mabuhay, mula pa nang pumanaw ang kabiyak ng dibdib; nguni’t ang pag-ibig sa mga anak ang nag-atas sa kanya na siya’y kailangang magtiis, mabuhay at makabalik sa mga musmos na naghihintay.
-- Kumapit kayo sa akin at tayo’y lilipad, -- tagubilin ng babae. At sila’y mabilis na pumailanlang sa kaitasan at sumakay sa hihip ng hangin patungo sa laot na katatagpuan kay Tatay Dencio. Wala nang malay si Tatay Dencio nang kanilang makita. Nakipagtalastasan ang babae sa pamamagitan ng isip lamang sa dalawang dugong at ang mga dambuhalang ito ng karagatan, ang isa kanila, ay isinakay sa kanyang likuran ang walang malay na mangingisda, habang ang isa ay sumusunod; at inihatid siya sa dalampasigan.
Nang magbalik na ang malay ni Tatay Dencio ay agad niyang tinahak ang landas na patungo sa kanyang munting kubo. Nang makapasok na sa bahay ay nakita niya sina Kiko at Neneng na mahimbing na natutulog sa kanilang banig. Napansin niya na may naiwang tasa sa dulang na may nalalabi pang katas ng pinya.
Kinabukasan ay masayang binati ng mga anak si Tatay Dencio. Nalimutan na nila ang lahat ng naganap nang gabing nagdaan.
-- Ama, bakit kayo ginabi? -- tanong ni Neneng. Ipinaliwanag ng ama na silang mangingisda ay tumabi sa isang maliit na pulo upang hindi masalubong ang unos sa dagat at doon ay naghintay hanggang maging payapa na ang panahon. At sa gayong pangyayari ay nabalam ang kanyang pag-uwi.
Nang umagang iyon ay sinadya ni Tatay Dencio ang libingan ng nayon at doon ay naghatid ng bulaklak sa puntod ng kanyang yumaong maybahay. Buo ang paniniwala ni Tatay Dencio na ang maybahay ay tumupad sa kanyang huling habilin sa kanya,
-- Dencio, huwag mong pababayaan ang mga bata; ipakikiusap ko sa Maykapal na ako ay pahintulutang makapiling ninyong mag-aama sa tuwing masusuong kayo sa panganib. Kahi’t ako ay malayo sa inyo, ipadadama ko na may bagwis ang pag-ibig.
Kabanata 2 - Napukaw ang katahimikan sa Paraiso
Araw ng pag-aaral kung kaya’t sina Kiko at Neneng ay nasa eskuwela. Nagkaroon ng pagkakataon si Dencio na masarili ang bahay at magampanan ang paglilinis at pagluluto. Dinampot niya ang tasa na naiwan sa dulang at hinugasan ito. Pagkatapos ay naisipan niyang sumaglit sa bahay ni Nana Koring.
Nag-iisa na sa buhay si Nana Koring. Siya’y may nalalaman sa pag-aalaga ng maysakit. Nang bata pa siya, siya ay naging nars sa isang ospital sa kabayanan. Sa kanya pumupunta ang mga taga-nayon kapag nagkakaroon sila ng karamdaman. Dahil ulila na sa ina sina Kiko at Neneng ay madalas na si Nana Koring ang umaalala sa kanila sa tuwing may pangangailangan.
-- Kumusta na kayo, Nana Koring? -- bati ni Dencio.
-- May awa ang Diyos, anak. Kahapon ay nananakit ang aking kasukasuan mangyari ay lumamig ang panahon. Naubusan ako ng gamot kung kaya’t ipinasa-Diyos ko na lamang, -- pahayag ni Nana Koring.
-- Salamat po pala sa pag-aalala sa mga bata. Ginabi po ako kagabi at kayo pala ang nagdala ng pagkain at inumin, -- salita ni Dencio.
-- Naisipan kong pumaroon sa mga bata nguni’t di ko nagawa dahil may dinaramdam nga ako kahapon, hanggang sa kinagabihan, -- nagulat si Dencio sa sinabi ng matandang babae. Isasauli sana niya ang tasa na pinaglagyan ng katas ng pinya nguni’t di na itinuloy dahil hindi pala kay Nana Koring ang tasa. Lumakad pabalik sa bahay si Dencio na dala-dala pa rin ang tasa . . .
-- Kanino kaya ang tasang ito? -- bulong sa sarili.
Habang lumalabas ng bakuran ni Nana Koring si Dencio ay siya namang pagdating ng isa pang taga-nayon, si Indang Maring. May dala siyang tinapay na pasalubong kay Nana Koring. At ayon sa kinagawian ay may dala rin siyang sariwang balita.
-- Alam mo ba, Nana Koring na may bagong nanliligaw kay Rosing? Kaawa-awa naman si Dencio . . . na siya ay namatayan ng asawa; ngayon naman ay baka maagawan ng kasintahan, -- salubong ni Indang Maring habang sinusundan ng tingin si Dencio na ayaw niyang makarinig sa kanyang sinasabi.
-- Alam mo ba na si Padre Mario ay mahilig pala sa sugal? -- dagdag ng kadarating pa lamang na kapitbahay.
-- Hay, naku, Maring, heto ka na naman. Paano mo ba nasasagap ang mga balitang iyan? -- putol ni Nana Koring. -- Ayaw ko nang malaman. --
-- Bago ko malimutan, Nana Koring, may natitira ka bang luya diyan? Gagawa ako ng salabat dahil nangangati ang aking lalamunan. --
Bagama’t tsismis ay may bahid ng katotohanan ang balitang dala ni Indang Maring. Nagkakaibigan sina Dencio at Rosing nguni’t hindi pa umaabot ang pagkakaibigan nila sa antas na ibig na nilang magsama sa iisang bahay. Maingat si Dencio sa pagpasok sa isang bagong pananagutan gayong buhay pa sa kanyang puso ang pag-ibig sa pumanaw na asawa. Napupusuan ni Rosing si Dencio nguni’t di niya siya mamadali; nauunawaan niya ang nasa loobin ng mabuting kaibigan.
Ang nayon ni Dencio ay isang pulo sa timog-kanluran ng dagat na malaki. Kakaunti ang naninirahan sa nayon, nguni’t sapat na ang bilang upang ito ay magkaroon ng eskuwela, simbahan at sangay ng pamahalaan. Paminsan-minsan ay may natatanaw ang mga taga-nayon sa kalayuan sa gitna ng dagat na isang malaking barko na tumitigil pagkatapos ay lumiligid sa pulo at kung minsan ay nagbababa ng mga tao. May hidwaan ang mga bansa tungkol sa pag-aari ng ilang pulo na nakakalat sa sulok-sulok ng dagat na malaki kung kaya’t batid ng mga taga-nayon na ang barko ay maaaring may pakay na magmanman sa kanila at sa nagaganap sa kapaligiran.
Totoong may lalaking bagong dating sa nayon na singkit ang mga mata. At siya ang ibinabalita ni Indang Maring na bagong manliligaw ni Rosing. Marami nang taga-nayon ang nakakita sa dalawa habang sila ay nag-uusap o naglalakad na magkasabay. Natatanging si Dencio ang di nakaaalam sa nagaganap.
Pagdating sa bahay ni Dencio ay umupo sa may hapag kainan at inilagay ang tasa sa ibabaw nito. – Sino ang nagbigay ng inumin sa mga bata? Kanino ang tasang ito? – Laking pagtataka niya. Sinipat niya ang tasa, hinawakan ito at pinagulong sa palad. Abuhin ang kulay ng tasa at may kagaspangan ang paligid. Hinaplos-haplos niya ang tasa, pagkatapos ay ikinuskos ang hinlalaki sa kulay-abuhing pisngi nito. Napansin niyang napapawi ang kulay abo at lumilitaw ang kulay dilaw. Sa ilan pang sandali ay napag-alaman ni Dencio na ang tasa ay yari sa ginto.
Ibinaon niya sa lupa ang tasa sa likod ng bahay at nagpasiya na ito’y isasauli sa tunay na may-ari pagdating ng panahon. Walang sala na ang may-ari ng tasa, kung ito ay yari sa ginto, ay tiyak na magpapakilala at babawiin ang maliit na kayamanan.
Si Dencio ay isinilang at lumaki sa nayong iyon na kung tawagin ay Paraiso. Sa mula’t mula pa ay naging mangingisda na siya. Iyon ang hanapbuhay na kinagisnan sa ama kung kaya’t iyon din ang kanyang kinalakihan at naging palagiang gawain. Maliban sa mababa at mataas na paaralan ay wala nang higit na mataas pang pag-aaral ang naabot ni Dencio sa dahilang malayo ang pulo sa kabihasnan at kapos sa yaman ang kanyang ama upang siya ay mapag-aral sa unibersidad. Ang naging tanging unibersidad ni Dencio ay ang dagat, ang mga bituin, at ang mga taong nakakasalamuha niya. Mahusay siyang bumasa, hindi ng libro, kundi ng mga tao. Magaling siyang magbigay-kahulugan sa ibig sabihin ng galaw ng ulap, ng hihip ng hangin, ng uga ng tubig, ng kilos ng mga ibon at iba pang hayop sa gubat, ng kulay ng mga halaman at halimuyak ng mga bulaklak. Isa siyang dalubhasa sa pag-unawa sa sinasabi ng Kalikasan. Minsan ay nahulaan niya na may darating na lindol ayon sa naiibang kilos ng kanyang alagang aso. Nahulaan din niya na guguho ang lupa minsang lumakas ang ulan at iniutos niya ang paglikas ng mga kapitbahay mula sa kanilang mga mumuntiing bahay sa paanan ng bundok patungo sa simbahan upang doon magpalipas ng bagyo. Gumuho nga ang lupa at natabunan ng burak ang mga bahay at dahil sa kanyang babala ay nailigtas sa tiyak na kamatayan ang maraming kanayon niya.
Si Kapitan Kulas, si Padre Mario at si Dencio ang itinuturing ng mga taga-nayon na kanilang mga pinuno at taga-payo sa oras ng pangangailangan. Matipunong lalaki si Dencio. Ang kanyang dibdib at bisig ay siksik sa laman. Ang buo niyang katawan ay kawangis ng nililok na estatwa ni Adonis. Maamo ang kanyang mukha, may kaitiman siya, kulutin ang buhok at lalaking-lalaki ang tinig.
Nagkakatipon ang mga taga-nayon tuwing Linggo ng umaga sa simbahan na ang pakay ng pagtitipon ay ang pakikinig sa misa at sa sermon ni Padre Mario at ang pag-usapan kung mayroong suliranin na kinakaharap ang mga taga-nayon.
Noong huling pagtitipon ay binigyan ni Padre Mario si Dencio ng pagkakataon na makapagsalita sa harap ng kanyang mga taga-nayon. Sabi niya – Mga kanayon, ang hidwaan ng ating bansa at ng karatig bansa ay maaaring mauwi sa digmaan. Ang ating pulo at iba pang mga karatig na pulo ay inaangkin ng bansa sa kabila ng dagat na malaki; tayo ay paaalisin sa ating pulo, sa pook na ating kinasilangan at naging tahanan mula pa sa panahon ng ating mga ninuno hanggang sa oras na ito. Magpapadala ng mga kawal ang ating pamahalaan mula sa malaking lungsod, aywan natin kung kailan makararating, upang tayo’y mapangalagaan; nguni’t bawa’t isa sa atin ay inaasahang magiging handa at tapat sa pagtatanggol sa ating mga tahanan at pati na sa karagatan na bumubuhay sa ating lahat. Ipag-alam ninyo kaagad sa akin o kay Kapitan Kulas kung may mapapansin kayo na kakaibang pangyayari o kaya ay kung may mga taong di kilala na umaali-aligid sa ating pulo. –
Kung iisipin ay maliit lamang na pulo ang Paraiso, mga karaniwang tao lamang na may payak na pamumuhay sina Dencio at ang mga kanayon niya; nguni’t mapagsusuri natin na sa maliit at payak nagsisimula ang malalaking usapin sa pagitan ng malalaki at malalakas na kapangyarihan. Kung pagtutuunan ng pansin ang pangsariling buhay ni Dencio, ito rin ay mumunti at payak nguni’t maaaring maging malawak at masalimuot dahil nababalot ng malalaking hiwaga – paanong nakaligtas siya sa pagkakalubog ng kanyang bangka sa kalagitnaan ng laot? Paanong nagkaroon ng tasang ginto sa kanyang tahanan? Sino ang lalaking singkit ang mga mata na nanliligaw sa kanyang kasintahan at ano ang pakay niya sa nayon? Paano niya gagampanan ang pagiging mangingisda, ang pagiging ama at ina sa kanyang mga musmos na anak na naulila sa ina, bukod pa sa pamumuno sa kanyang nayon na ngayon ay lipos ng bagabag?
Sa mahabang panahon, ang Paraiso ay naging tunay na mumunting paraiso na bagama’t salat sa yaman at karangyaan ng lungsod ay naging tahimik at mapagtangkilik na tahanan ng mga naninirahan doon. Sila ay namuhay ng buhay na tahimik at malayo sa karamdaman. Ang matulaing pook na ito ay pangarap lamang sa isipan ng mga taga-lungsod kung iisipin na sa mundo nila sila ay nakikibaka sa masasamang dulot ng maruruming hangin at tubig, radiation, basura at tag-tuyot. Balik sa Kalikasan ang sigaw ng maraming tao; ang Paraiso ay isa sa kakaunting pook na hindi kailangang bumalik sa Kalikasan sapagka’t di nito nilisan ang Kalikasan kailanman.
Datapuwa’t dala ng mga pangyayari ay tila ngayon ay mapupukaw ang katahimikan sa Paraiso.
Kabanata 3 - Mga matang mapanuri
Dumating sa eskuwela si Dencio upang sunduin ang mga anak. May iniluto siya na kanin at inihaw na tangige para kay Rosing. Iniabot ang pagkain kay Rosing sabay bati sa guro ng mga bata, -- Sana ay hindi ka pinahirapan ng mga anak ko.
-- Mababait sila at mabibilis na matuto. Huwag kang mag-alaala, Dencio, nagkakasundo kami ng mga anak mo. – sagot ni Rosing.
Nagpauna ang mga bata na patakbo ang lakad pauwi sa bahay.
-- Rosing, malaki ang pagkakataon na may darating na malaking sakuna sa ating nayon. Bagama’t tama na ipagpatuloy mo ang paggawa ng iyong pang-araw araw na gawain; dapat din na maging handa ka sa paglikas o sa pagtatanggol sa sarili mo at sa mga bata pagdating ng gulo. At kung may masamang mangyayari sa akin . . . ipinangangako mo ba na aalagaan mo ang aking mga anak? – mahahalata ang pag-aalala sa tinig ni Dencio.
-- Huwag kang mag-isip ng hindi maganda, Dencio. – Pasubali ni Rosing.
Niyakap ni Dencio ang kaibigan at hinalikan siya sa noo. – Tama ka, Rosing. Nasa ating panig ang Maykapal at ang Kalikasan.--
Si Rosing ang guro ng nayon. Pinagbuklod sa kanyang katauhan ang kagandahan, karunungan at pagkamayumi. Babaeng-lungsod siya. Doon siya isinilang at lumaki. Doon siya nag-aral. Nguni’t pinili niya na manirahan at mag-alay ng kanyang panahon at nalalaman sa mga taga-nayon. Sa unibersidad ay itinanghal siyang Dilag ng Kagandahan at bituin ng koponan ng manglalangoy.
Una silang nagkakilala ni Dencio nang ipalista ang dalawang anak sa eskuwela. Karamihan ng mga bata ay ang mga ina ang nag-aabala sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Sa panig ni Kiko at Neneng, sa dahilang wala na silang ina, ang ama ang siyang “umaakay” sa mga bata sa kanilang pag-aaral. Malimit magkita sa eskwela sina Dencio at Rosing, sa mga pagkakataong may kinalaman sa pag-aaral ng mga bata, at ang pagkikita ay nauuwi sa pagtuklas sa isa’t isa hanggang sumilang ang isang pag-ibig. Nagkaroon ng naiibang damdamin si Rosing ukol sa mga anak ni Dencio sapagka’t nalalaman niya na ang mga bata ay wala nang ina at nangangailangan ng pag-aalaga at pagmamahal ng isang babae.
Nang dumating ang tag-araw ay lumuwas si Rosing sa lungsod upang makasama ang mga magulang. Nawala siya sa nayon nang mahigit sa dalawang buwan at iyong kanyang pagbabakasyon, batay sa damdamin ni Dencio, ay tila dalawang taong pagkakahiwalay. Nang magbalik si Rosing sa nayon nang panahon na ng pagbubukas ng eskuwela ay di maitago ni Dencio ang kanyang pananabik. Sinundo niya sa daungan ng bangka ang dalaga at agad-agad ay inaya siya na sila ay magsadya sa simbahan. –Pakakasal na ba kami ng lalaking ito? – lihim na pagtataka ni Rosing
Matalik na magkaibigan sina Dencio at ang kura paroko ng nayon na si Padre Mario. Nagpahanda pala ng sorpresa si Dencio sa bulwagan ng simbahan, sa tulong ng padre, at doo’y naghintay sa pagsalubong sa guro ang ilang kilalang tao sa nayon. Nagkaroon sila ng kainan at pagsasaya. Nang matapos ang handaan ay isa-isang nagpaalam ang mga dumalo hanggang sa napuna nina Dencio at Rosing na sila na lamang pala ang taong nalalabi sa simbahan. Nagkaroon si Dencio ng pagkakataon na maipagtapat sa dalaga ang kanyang niloloob. – Saksi ko ang banal na pook na ito, -- isiniwalat ni Dencio sa kausap, habang ang mga kamay nila ay magkahawak, -- na tapat at dalisay ang layunin ko sa iyo. Kung iyong tatanggapin ay iniaalay ko sa iyo ang aking pag-ibig at buhay.
Matagal na ring nagkaroon ng pitak sa puso ni Rosing si Dencio. Tumingkayad si Rosing at nang maabot ang labi ni Dencio at doon ay nag-alay ng isang matimyas na halik na ang ibig sabihin ay – Oo, tinatanggap ko ang pag-ibig mo! –
Ang pagsusuyuan ng dalawa ay nasaksihan ng mga kanayon. Natutuwa sila na nagkakasundo ang dalawang masasabing huwarang mamayan ng maliit na pook; doo’y tinitingala sila kapuwa bilang mararangal at kagalang-galang na nilalang. Malimit na nakikita silang naglalakad sa dalampasigan na magka-akbay; at kung ang pangkat sa pangingisda ay hindi nakasasama kay Dencio ay si Rosing ang kusang-loob na sumasama, sa mga araw na wala siyang turo sa eskuwela. Gawi ni Rosing na kapag papalapit na sa dalampasigan ang bangka galing sa pangingisda ay tumatalon siya sa tubig na una ang ulo at nilalangoy ang layo mula sa bangka hanggang sa buhanginan. Hindi nga ba kampeon na manglalangoy sa kolehiyo si Rosing, ang paglangoy sa dagat ay ang kanyang tanging paraan na manatiling mahusay siya sa paglangoy sapagka’t wala namang swimming pool sa nayon.
Napakaganda ni Rosing lalo na kung umaahon mula sa tubig at napapadikit sa kanyang katawan ang basang-basang damit; sa ilalim ng mahinang sikat ng araw sa dapit-hapon ay maaaninag ang kanyang balat at maseselang bahagi ng kanyang katawan at sino mang makakikita sa kanya ay makapagsasabi na tila siya ang prinsesa ng mga sirena na ipinadpad ng alon upang magbigay ligaya sa lupa.
Lumakad ang mga araw at nagpatuloy ang tahimik, malapit sa Kalikasan, at matulaing pamumuhay sa nayon ng Paraiso.
Nguni’t isang araw ay nagimbal ang mga taga-Paraiso nang may isang buong mag-anak na natagpuang patay. Kailan man ay di nagkaroon ng gayong kalagim-lagim na pangyayari sa nayong-pulo. Sa pag-aaral ng mga namamahala sa kapayapaan sa pulo na nagsadya sa bahay ng mag-anak, napag-alaman na tila nalason ang mga nasawi. Walang bakas ng dugo o kalupitang sinapit ang mag-anak. Natagpuan ang mga biktima na tila natutulog lamang.
Nagkaisa sa palagay sina Dencio at ang pinakamataas na pinuno ng pamahalaan sa nayon, si Kapitan Kulas, na ang krimen ay kagagawan ng mga di-kilalang tao na ang pakay ay magkalat ng lagim sa pulo. Tiyak na sila ay mga kasangkapan ng bansang naghahangad na masarili ang pulo.
Ang mga maykapangyarihan sa mundo ay naghahangad na pamahalaan ang maliliit na pulo sa kalagitnaan ng malalaking dagat. Ang pag-aari at pamamahala ng mga maliliit na pulo na ito ay mahalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan at sa pagwawagi sa digmaan, kung magkakaroon ng digmaan.
Sa harap ng mga pangyayari ay bumuo ng dalawang pangkat ang mga lalaki sa nayon. Ang unang pangkat ay magbabantay sa dalampasigan. Ang mga kasapi sa pangkat na ito ay gagamit ng kanilang mga bangka at sa mga takdang oras ay magpapasalaot at magsisiyasat sa paligid ng pulo. Ang pangalawang pangkat ay may katungkulang pangalagaan ang mga daan at landas sa gabi, at nang kung mayroon mang mga gagalagalang di-kilalang tao ay madadakip ang mga ito. Ang mga kasapi ng pangkat ay maglalakad at ang iba ay sasakay lulan ng kalabaw.
Si Berto na anak ni Indang Maring ay naatasan na siyang magsanay sa mga kasapi ng pangkat sa pamamaraan ng pagtatanggol sa sarili. Mahusay si Berto sa pamamaraan ng arnis na isang matandang paraan ng pakikibaka na ang gamit lamang ay ang mga bisig at kamao at dalawang tungkod ng yantok o ratan.
Naging abala si Dencio sa pangingisda at kung hindi nangingisda ay sa pamumuno sa mga ginagawang pagtatanggol sa pulo. Napilitan ang mga anak niyang sina Kiko at Neneng na matutong mag-alaga sa kanilang sarili sa mga panahong wala siya sa kanilang piling. Natuto silang mamitas ng mga gulay at bungang-kahoy. Natuto rin silang magluto at maghugas ng kanilang mga damit at kagamitan sa bahay. Ang pamumulot ng suso sa dalampasigan at kung pamin-minsan ay ng alimasag ay dati na nilang alam, at sa totoo, ay nagiging bahagi ng kanilang paglalaro sa buhanginan kasama ang iba pang mga batang katulad nila ang gulang.
Sa kanilang paglalaro ay walang kamalay-malay ang mga bata sa mga nagaganap na pangyayari sa pulo. Wala rin silang kamalay-malay na may mga matang nagmamasid sa kanila.
Si Nana Koring na kapitbahay nila ay nagmanman palagi sa magkapatid, mula sa kanyang durungawan, at tinitiyak na sila ay malayo sa kapahamakan.
Sa kalayuan, sa laot, ay may mga matang singkit na nagmamasid din sa mga bata, gamit ang mga larga vista.
At mula sa puno ng akasya, na sa kataasan nito ay abot-tanaw ng nagmamasid ang kalawakan ng pulo, ay nakasilip din ang kapre na siyang bantay sa lagusang patungo sa mundo sa ilalim ng puno.
At si Indang Maring, na wala nang pananagutan sa buhay kundi ang maki-usyoso sa buhay ng may buhay, ang mag-ikot sa nayon, magmasid at makinig, sumagap ng iba’t-ibang balita at ikalat ang mga ito, ay tiyak ding nakatuon ang mga mata at taenga sa mga nangyayari sa mga bata at kay Dencio.
Maaari pa bang magtago lihim sa nayon ng Paraiso?
Kabanata 4 - Nalantad na mga lihim
Isang araw na pagdating sa bahay ni Kiko mula sa paaralan ay nakaramdam siya ng panghihina at pagkahilo. Agad siyang inakay ni Neneng patungo sa higaan at pinagsabihan siyang magpahinga muna. Hinaplos ni Neneng ang noo at pisngi ng kapatid at napag-alaman na nag-aapoy sa lagnat ang nakababatang kapatid.
Wala sa bahay si Dencio nang araw na iyon kung kaya’t kay Nana Koring agad humingi ng tulong si Neneng. Dumating si Nana Koring sa tabi ng higaan ni Kiko na may dala-dalang inuming tubig at kung anong gamot na pampaalis ng lagnat. Ininom ni Kiko ang gamot at sinubukang makatulog, samantalang si Nana Koring ay naglapat ng isang bimpong basa sa noo ng may karamdaman.
Mabilis na kumalat ang balita na may pagkakasakit na nangyari kay Kiko. Nabahala ang buong nayon at naghinala na baka ang nangyayari kay Kiko ay isa na namang kaso ng panglalason sa isang taga-Paraiso.
Gabi na ay di pa umuuwi si Dencio. Mataas pa rin ang lagnat ni Kiko. Nakabantay sa tabi niya si Nana Koring at napapailing ang ulo ng matanda sa patuloy na paglubha ni Kiko. Tila hindi tumatalab ang gamot na ibinigay ni Nana Koring at siya’y nag-aalala na.
Lumabas ng bahay si Neneng na tila namamalik-mata, na tila may humihimok sa kanya na maglakad patungo sa punong akasya; ang mga paa niya’y lumalakad na di siya ang nagpapagalaw kundi ang isang mahiwagang lakas. Bukas na ang tarangkahan nang makarating siya sa pintuan ng kaharian sa ilalim ng puno kung kaya’t tuloy-tuloy siyang pumasok na.
Bumalik sa alaala niya ang pook na iyon. Napalingon siya at napatigil sa paglalakad nang biglang may tumawag sa kanyang pangalan.
-- Neneng! – bati ng babae sa lungga.
-- Nana! Kayo po pala! – gulat na balik-bati ni Neneng.
-- Makinig ka Neneng . . . tulungan mong gumaling kaagad ang iyong kapatid. Heto ang isang mahiwagang suklay. Bumalik ka kaagad sa inyong bahay at gamitin mo ang suklay . . . Ihaplos mo ito sa kanyang buhok at ulo. Iyan lamang ang paraan upang siya’y gumaling. – matatag na payo ng babae.
Pagpasok sa bahay at pagkakita sa kanya ni Nana Koring na may hawak na suklay . . .
-- Neneng, pahiramin mo ako ng suklay at nang maihaplos ko saulo ni Kiko – hiling ni Nana Koring.
Makalipas ang ilan lamang na sandali ay kagyat nagbago ang ayos ng mukha ni Kiko na tila naging payapa siya at may sinag. Nawala ang kanyang lagnat at siya’y nakatulog nang mahimbing.
Kinaumagahan ay gumising si Kiko na masigla at walang bahid ng pagkakasakit. Naroon na ang tatay niya na naghahanda ng almusal. Si Neneng naman ay nakaupo na sa sahig sa harapan ng dulang at naghihintay na mabigyan ng almusal ng ama. Ang suklay ay nakapatong sa ibabaw ng dulang.
-- Sa iyo ba ang suklay na ‘yan, Neneng? – tanong ni Dencio.
-- Hindi po, tatay. Iyan yata ay kay Nana Koring – pakli ng bata.
Matapos na makapag-almusal ang mga anak ay sinamahan sila ni Dencio sa pagpasok sa eskuwela. At sa kanyang pagbabalik sa bahay ay pinulot ang suklay na nasa dulang at ito’y tinitigan nang matagal. Kinuskos niya ang ibabaw ng suklay at gaya ng tasa na naging dilaw ang kulay nang makuskos, ang suklay ay naging dilaw din ang kulay. Ito’y yari din sa ginto katulad ng tasang ibinaon ni Dencio sa lupa sa likod ng bahay.
-- May hiwagang nagaganap sa bahay na ito! – Bulong ni Dencio sa sarili.
Samantala, si Berto na anak ni Indang Maring, ay nagpasiya na ang kaibigan ni Rosing na singkit ang mga mata, ang lalaking dayo mula sa lungsod na nakikita sa pulo na aali-aligid, ay dapat nang kausapin o tanungin. Maaaring siya ay may nalalaman o may kinalaman sa pagkalason ng nasawing mag-anak kamakailan lamang, paniniwala ni Berto.
Ibig din niyang malaman kung ang mahiwagang pagkakasakit ni Kiko ay natutulad sa nangyari sa mag-anak, isang tangka na lasunin ang bata, na hindi naganap dahil sa maagap na pagsaklolo ng kapitbahay at kapatid. Hindi maaaring magpatuloy ang pananakot sa mga taga-nayon.
Lingid sa kaalaman ni Berto at ng mga taga-Paraiso, ang naturang lalaki na may singkit na mga mata, ay si Jonathan na ipinadala ng pamahalaan sa pulo upang pag-aaralan ang mga isda na namumuhay sa dagat sa paligid ng Paraiso. Isa siyang ichthyologist o dalubhasa sa pag-aaral ng mga isda. Pakay ng pamahalaan na alamin kung paano mapadadami ang mga isda at paano mapangangalagaan ang kanilang tahanan sa ilalim ng dagat. Ang kaalamang mapupulot sa Paraiso ay magagamit upang mapabuti ang uri ng tubig sa dagat sa mga pook na malalapit sa mga lungsod na palubha na nang palubha ang uri dahil sa pagdudumi nito ng mga tao.
Si Rosing at si Jonathan ay dating magka-eskuwela sa unibersidad. Magkakilala sila nguni’t walang katotohanan ang nabalitang nagkakaligawan silang dalawa. Kung sila’y nakikita man na nag-uusap o nagkakasama sa paglalakad, ang gayong mga pangyayari ay dala ng karaniwang pakikipagtalastasan sa isa’t isa. Sa dahilang higit na matagal na sa pagtira sa Paraiso si Rosing ay kinailangan ni Jonathan na makapagtanong sa kanya tungkol sa mga bagay-bagay na magpapabuti sa kanyang paglilingkod sa mga taga-Paraiso.
Kimi at hindi palabati sa tao si Jonathan. Bukod kay Rosing at iilang tao sa pulo, wala siyang ibang maituturing na kaibigan. Nakatutok ang kanyang pansin sa pagganap sa kanyang gawain; at di niya alintana na mahalaga ang makipagkilala at makitungo sa mga taga-nayon. Datapuwa’t hindi tama na isipin na si Jonathan ay mahina. Bukod sa matalino, siya ay hasa sa larangan ng palakasan. Itinanghal siya na kampeon sa judo-karate sa unibersidad.
Nagtagpo si Berto at si Jonathan sa isang panig ng dalampasigan na may malalaking bato. Kasalukuyang inihahanda ng dalubhasa sa isda ang kanyang bangka bago simulan ang nakagawiang pagtungo sa dagat.
-- Ginoong kung sino ka man, bago mo ituloy ang iyong pagtakas ay kailangan munang tayo ay magkausap. – Agad na paratang ni Berto gamit ang mabibigat na salita.
-- Ako si Jonathan. At ako’y naghahanda na simulan ang aking gawain. Hindi ko alam kung ano ang ibig mong sabihin na ako ay tatakas. – malumanay na sagot ni Jonathan.
-- Jonathan, pala. Ikaw ang pinaghihinalaan na nagkakalat ng lagim sa aming dati-rati ay tahimik na nayon. – Patuloy ni Berto na pausig ang tono. – Kailangang sumama ka sa akin at nang masimulan ang imbestigasyon.
-- Maliit ang pulo na ito at madali mo akong mahahanap. Mabagal ang oras dito at walang kailangang magmadali. Makikipagkita ako sa iyo sa tanggapan ni Kapitan Kulas sa pagbabalik ko mula sa aking gawain, bago lumubog ang araw. – Paliwanag ni Jonathan. – Bukod pa sa nasabi ko ay hindi kita kilala. Aywan ko kung anong mayroon ka na kapangyarihan upang ako ay pigilin.
Tumalikod sa kausap si Jonathan at pasakay na sa bangka nang siya ay habulin at sinunggaban ni Berto. Bumalikwas si Jonathan at pinalipad ang kaliwang kamao at ito ay bumagsak sa pagmumukha ni Berto. Umurong nang kaunti si Berto at bumunot mula sa baywang ng dalawang tungkod ng yantok. Pinaikot-ikot at hinampas-hampas sa hangin ang yantok at nagbabala, -- Nagkakamali ka, Jonathan! –
Sinugod ni Berto ang inuusig. Nagpandali ang dalawa. Nagpalitan sila ng palo, suntok, at sipa. Naagaw ni Jonathan ang yantok at itinapon ang mga ito sa dagat. Nagmukhang tila balisa si Berto sapagka’t alam niyang nananaig sa labanan si Jonathan. Bilang huling hakbang ay bumunot si Berto ng isang punyal mula sa kanyang bulsa at tila asong-ulol na sinugod muli si Jonathan.
Hindi tama na si Berto ay gumamit ng yantok o patalim sapagka’t ang batas ng mga maginoo sa gayong pagtutunggali ay ang paggamit ng mga kamay lamang.
Umiwas na mapatay o makapatay si Jonathan. Hinakbangan niya ang mga batong nagkalat sa dalampasigan. Ibig niyang maitaas ang sarili sa pinakamalaking bato na kung saan ay hindi siya maaabot ni Berto.
Nauna sa pagsampa sa malaking bato si Jonathan. Sinubukan ni Berto na makasampa rin nguni’t dumulas ang kanyang mga daliri at nakabitiw sa pagkakahawak sa gilid ng malaking bato. Nahulog si Berto na pahiga at sa pagbagsak sa lupa ay napabagok ang likod ng kanyang ulo sa isa pang tipak ng bato. Kagyat ay nawalan ng malay si Berto.
Ilang sandali lamang ang nakalilipas matapos ang paglalaban nina Jonathan at Berto ay dumating sa pook na pinaglabanan ang isang pangkat ng mga lalaki na galing sa pamunuan ng nayon. Kasama si Dencio sa nasabing pangkat. Napaghinuha ng mga dumating na ang pangyayari ay isang aksidente.
Sa kasawiang-palad, hindi na nagkamalay muli si Berto. Ang dating tahimik na nayon ay naging tagpo na naman ng isang malagim na pangyayari.
Ang pagkamatay ni Berto ay tila apoy na mabilis na kumalat sa buong nayon. Kasunod nito ay nagkaroon ng isang malaking sigalot sa eskuwela. Dumating doon si Indang Maring na nagtititili at may hawak na gulok.
-- Mamamatay tao! Mamamatay tao kang babae ka! – hiyaw ni Indang Maring na ang tinutukoy ay si Rosing.
Nawalan na ng bait si Indang Maring sanhi ng pagkamatay ng anak na si Berto. Malalaking patak ng luha at tulo ng pawis ang nagpadungis sa mukha ng kaawa-awang ina. Pasuray-suray siyang naghahanap sa bakuran ng eskuwela – Nasaan ka, Rosing?! Isa kang traydor! Isa kang babaeng palamara! –
Dumating si Padre Mario at ilang kasamahan sa bakuran ng eskuwela at pinakiusapan si Indang Maring na maghunos-dili. Niyakap ng pari ang tumatangis na babae at inakay siya papalayo sa eskuwela.
Kabanata 5 - Panaginip ba lamang?
Sa muling pagkikita nina Dencio at Rosing ay sinadya nilang sila’y mapag-isa at nang magkausap ng puso sa puso. Sumakay sila sa isang bangka at tumungo sa isang pook sa laot na tahimik ang tubig.
-- Wala akong kamalay-malay, Dencio, na ako pala ang pinag-uusapan ng buong bayan. – Bungad ni Rosing nang sila ay tumigil sa kalagitnaan ng laot at doon ay palutang-lutang lamang ang bangka.
-- Ako pala’y nakikipagkaibigan kay Jonathan at sa mata ng mga tao ay nagtataksil sa iyo. – Dagdag pa ng dalaga. – Kasalanan ko na di ko kaagad ipinagtapat sa iyo na si Jonathan ay dati kong kaeskuwela sa unibersidad. Bukod diyan ay wala na akong iba pang kasalanan. Walang pagtataksil, Dencio . . . Walang layunin na makasakit ng kapuwa. At nagsimulang maluha si Rosing.
-- Huwag kang mag-alaala, Rosing. Nagtitiwala ako sa iyo! – Patiyak ni Dencio. – Higit na malaking alalahanin ang nangyayari sa ating nayon at ang maaari pang maganap na kasindak-sindak.
Tayo’y tila mga manyika lamang na pinagagalaw sa pisi ng mga may kapangyarihan sa atin. Pag nakalagpas na ang mga panganib at nagkalinaw na ang mga hiwaga, sana ay magbabalik ang dati nating kalayaan at pag-ibig sa pag-ibig.
May sasabihin pa sana si Dencio kay Rosing nang natanaw niya ang isang bangkang may motor na matuling papalapit sa kanilang kinalalagyan. Kumaba ang dibdib ni Dencio habang ang sasakyang-dagat ay papapalit nang papalapit sa kanila. Sumagi sa isipan niya ang pangamba na baka ang sasakyang-dagat ay may pakay na masama sa kanila. Walang nagawa si Dencio kundi ang maghintay at umasa na walang mangyayaring masama sa kanilang dalawa ni Rosing.
Nang makalapit na ang bangkang may motor, ang nagpapaandar nito at ang mga kasamahan ay tumayo mula sa pagkakaupo at ang pinuno nila, gamit ang isang megaphone, ay nagbigay ng kalatas kay Dencio.
-- Sabihin ninyo sa inyong mga kababayan na lisanin ang pulo sa lalong madaling panahon. Ang Paraiso ay nabibilang sa mga pulong pag-aaari ng aming bansa. Kailangan namin ang pulo sa pamamaraang militar. Mayroon kayong apatnapu’t walong oras na mai-alis ang inyong mga sarili at ang inyong mga kagamitan at pagkatapos ng panahong iyan ay maglulunsad kami ng malaking paglusob na gamit ang isang libong kawal at daan-daang sasakyang-dagat na may armas na ang pakay ay itatag ang aming karapatan at pamamahala sa pulo. Ang sino mang lalaban sa amin ay makatitikim ng mapait na kamatayan; at ang sino mang mananatili sa pulo ay inaasahang susunod sa aming mga pag-uutos at kikilala sa aming karapatan. Sana ay maibalita ninyo kaagad sa inyong mga nasasakupan ang paalalang ito. Paalam! – at mabilis na bumalik sa karagatan ang sasakyang-dagat lulan ang mga lalaking singkit ang mga mata. Sinundan ng tingin ni Dencio ang bangkang may motor hanggang sa ito ay mawala sa guhit-hanggahan ng dagat at langit.
Pagbabalik sa nayon ay tumawag kaagad ng pulong si Dencio. Ibinalita niya ang natanggap na babala. Ang naging pasiya ng mga taga-Paraiso ay ang lumaban at ipagtanggol ang kanilang tahanan at karapatan. Ang lahat ng mga lalaki ay maghahawak ng ano mang armas at paliligiran ang pulo at nang ang mga mananalakay ay mapigilan ang paglusong sa dalampasigan pa lamang. Inatasan ni Dencio si Rosing na siyang manguna sa mga babae at sa mga bata. Magsasama-sama sila at hahanap ng pook na pagtataguan habang ang maaaring maging madugong labanan ay nagaganap.
Malamlam ang buwan nang gabing iyon at malamig ang simoy ng hangin. Makikita ang mahabang pila ng mga babae at mga bata na magkakahawak ang mga kamay na tinutunton ang landas patungo sa kabundukan. Tila isang himala, di sila nahirapan at natagalan sa pagtuklas ng isang bunganga ng kuweba, na tila lagusan patungo sa isang ligtas na pook sa ilalim ng lupa. Sinundan nila ang lagusan hanggang sa makarating sa isang pook na malawak at maliwanag.
Sinalubong sila ng isang babaeng tila siya ang may-ari ng pook; siya’y napaliligiran ng mga bata at mga kasamahang babae.
-- Masayang pagdating sa Pook ni Dalisay. Pabayaan ninyong magdulot kami sa inyo ng mga pagkain, inumin, at himlayan, samantalang kayo ay nagpapalipas ng oras. Malayang kayo’y makapaglalakad o makapagpapahinga, alin man ang inyong pipiliin; at ang mga bata ay malaya rin na makapaglalaro at makapapamasyal o makalalangoy sa batis . . . kung ano man ang kanilang iibigin. Narito kaming lahat upang kayo’y aliwin at paglingkuran. – Pahayag ng mahiwagang babae.
At kaagad ay nakatikim ng kaginhawahan at katahimikan ang mga babae at ang mga bata ng Paraiso.
-- Iiwan ko kayo rito pansamantala, – sabi ni Rosing kina Kiko at Neneng. -- Babalik ako sa nayon upang hanapin ang inyong ama. Baka kailangan niya ang aking tulong. --
Pinagpayuhan si Rosing ng ibang mga kababaihan na huwag nang lumisan at nang hindi siya mapasuong sa panganib, na pabayaan na, na ang mga kalalakihan na lamang ang magsagawa ng pagtatanggol sa nayon. Datapuwa’t si Rosing ay nagmatigas at lumisan pa rin.
Sa labas ng pook na mahiwaga ay narinig ni Rosing ang putukan at ingay ng mga sasakyang may motor. Tiyak na nagkakasagupaan na ang mga manlulusob at ang mga kalalakihan ng Paraiso.
Sinundan niya ang landas patungo sa dalapampasigan na kung saan ay tiyak na mainit ang labanan. Walang takot siyang sumugod sa panganib na ang tanging hawak na sandata ay ang kanyang lakas ng loob at paniniwala sa pangangalaga ng Maykapal.
May nakakita kay Rosing. Mula sa itaas ay nakita siyang nag-iisang naglalakad. Isa sa mga binata ng nayon ay sakay ng isang kalabaw na may bagwis o pakpak. Narinig ni Rosing ang pagakpak ng bagwis habang humahampas sa hangin. Nang siya ay tumingala upang malaman kung saan nanggagaling ang ingay ay nakita niya ang dambuhala ng bukid na lumilipad sa papawirin, lulan sa likuran nito si Nilo.
-- Rosing! Kukunin kita, sandali lamang, -- sigaw ni Nilo. At lumapag siya sa lupa at isinama si Rosing sa kanyang paglipad.
Umikot sila sa ibabaw ng dalampasigan at napamangha si Rosing sa kanyang nakita. Nagkalat sa dalampasigan ang mga kawal ng bansang lumusob na wala nang buhay. Isang daang bangkang may motor ang nasa tubig, ang karamiha’y nag-aapoy; at ang mga dumarating pa ay sinasalubong ng tila sulo na nagliliyab. Ang sulo o siga ay inihahagis ng isang kapre na nakita niyang tumatakbo, paparoo’t paparito sa dalampasigan, tumatalon, pinupulot ang mga sanga ng kahoy, pinaliliyab ang mga ito at ibinabato na tila sibat sa mga dumarating na bangka. Pagbagsak ng apoy sa mga bangka, ang mga ito’y kaagad-agad na sumasabog at nag-aapoy, at ang mga sakay ay napapatilapon sa dagat.
Sa dagat ay nakita niyang naglipana ang malalaking isda – may mga dugong at balyena – na sumasagasa sa mga kawal na nasa tubig o sumisisid sa ilalim ng mga bangka at itinataob ang mga ito.
Sa iba’t ibang sulok ng dalampasigan at sa may batuhan ay nakita niyang lalaki sa lalaki, kamay sa kamay, yantok sa yantok ay nasa gitna ng paglalaban ang mga manlulusob at ang mga tagapagtanggol ng Paraiso.
Sa isang dako ng dalampasigan ay nakita niya si Jonathan na nakikipagtagisan ng lakas sa tatlong kawal. Pati si Padre Mario ay nakita ni Rosing na walang suot na damit ng pari at sa halip ay hubad mula sa ulo hanggang sa baywang at siya ang katulong ng kapre sa pagpapaliyab ng mga kahoy.
Nguni’t saan naroroon si Dencio? Pag-aalala ni Rosing. – Nilo, hanapin natin si Dencio, para mo nang awa! -- Pakiusap niya.
Inutusan ni Nilo ang kalabaw na lumipad ng mababa o malapit sa lupa at daanan ng lipad ang mga taong nakatumba sa buhanginan. Naghanap si Nilo at si Rosing ng nakikilalang mukha at pangangatawan. Sa huli ay nakita nila si Dencio na walang malay at duguan.
Binuhat ni Nilo ang lupaypay na katawan ni Dencio at inilulan siya sa likuran ng kalabaw. Bago inutusan si Rosing, at ang kalabaw – Rosing, sumakay ka at alalayan mo si Dencio at nang siya ay hindi mahulog. Dalhin mo siya sa pook na malalapatan mo siya ng lunas. Hala, Dagul, lipad! –
Tila may isip si Dagul. Mabilis siyang lumipad patungo sa mahiwagang kuweba. Paglapag pa lamang nila sa lupa ay nandoon na’t naghihintay ang mga kababaihan, sa pamumuno ni Dalisay, upang ilikas si Dencio mula sa likuran ng kalabaw patungo sa loob ng mahiwagang kuweba, at nang doon ay magamot at mailigtas siya mula sa bingit ng kamatayan.
Nagtulung-tulong ang mga babae sa paglilinis at paglalagay ng gamot sa mga sugat ni Dencio. Naroon sa kanyang tabihan si Nana Koring, ang nars ng nayon. May mga katas ng dahon at usok mula sa kung anong halaman ang ipinagamit ni Dalisay upang magbalik ang lakas at uliran ni Dencio. Makalipas ang maikling panahon ay bahagyang dumilat at napangiti si Dencio. Nasilip niya sa kanyang mga mata, kahi’t na may kalabuan ang mga hugis, ang maaamong mukha ng dalawang babae na mahalaga sa kanyang buhay. Ang mukha nina Maria at Rosing. – Panaginip ba lamang ang lahat? – ibig malaman ni Dencio. Nguni’t siya ay nanghihina at nahihilo pa. Napapikit siyang muli at nahulog sa isang mahaba at malalim na pagtulog.
Nang sumunod na Araw ng mga Yumao, ang buong bayan ay nagsadya sa libingan ng nayon at doon ay nagbigay ng parangal sa kanilang mga minamahal na nauna na sa kabilang-buhay, kabilang na ang mga bayaning nagtanggol sa katatapos pa lamang na labanan. May isang puntod na nababalot ng napakaraming bulaklak na ganito ang nakaukit sa lapida:
Maria Dalisay
Abril 14, 1960 - Hulyo 7, 2007
“Ang pag-ibig niya ay walang hanggahan.”
Marami nang ulit na si Dencio ay dumalaw sa libingan ng kanyang yumaong kabiyak na nag-iisa upang magpahayag ng pagmamahal at pasasalamat; sa pagkakataong ito, hindi siya nag-iisa. Sa paanan ng puntod ay magkakahawak ng kamay sina Dencio at Rosing, Kiko at Neneng at sama-samang namumutawi sa kanilang mga labi ang dasal, pasasalamat, at ang pangangako sa isa't isa ng walang hanggang pag-ibig.