UMIBIG NA MULI SI MARILYN
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Kung may pagkakahawig ang salaysay na ito sa tunay na buhay, ang pagkakahawig ay sinadya.
Tandang-tanda ni Marilyn. Noong araw na aalis ang kasintahan, nagmamadali siyang makarating sa airport.
Nakilala niya si Angelo sa high school. Magkaklase sila. Matapos ang mahabang pakiramdaman, maingat na kilatisan sa isa’t isa; sapagka’t noong mga panahong iyon ay nagkakahiyaan ang mga magkakaeskwelang babae at lalaki, sa huli ay nagkalakas-loob sina Marilyn at Angelo na mag-usap, magpahayag ng damdamin, hanggang sa sila ay naging matalik na magkaibigan. Hindi nila ipinakita ang kanilang pagkakaunawaan sapagka’t ayaw nilang maging pakay sila ng tuksuhan at biruan. Noong araw, nakapipikon ang sobrang tuksuhan, biruan, kantiyawan. Nagiging lihim tuloy ang pag-iibigan.
Unang pag-ibig nina Marilyn at Angelo ang kanilang naranasan. Ano ang pakiramdam ng unang pag-ibig? Laging naghahanap na makasama ang minamahal. Ang laman ng isip ay palaging ang taong napupusuan. Tila ang umiibig ay lumulutang sa ulap. Tila ang umiibig at ang iniibig ay siya nang pinakamagandang nilalang sa balat ng lupa.
Palibhasa’y ang high school ay panahon ng pag-aaral, ang mga magulang ay nakabantay at nang matiyak na ang pag-aaral ang tanging layunin ng mga bata. Ang mga umiibig ay tumutuklas ng iba’t ibang paraan na makaiwas sa mata ng magulang, na magkaroon ng mga sandali ng pag-iisa, mga nakaw na pagkakataon, samantalang nagpapanggap na pulos aral lamang ang kanilang ginagawa.
Nagsasalo sila sa pagkain sa isang sulok ng cafeteria. Magkasabay silang lumalakad pauwi. Magkatabi sila sa klase at lihim na nagpapalitan ng love notes habang ang guro ay nagsasalita. Magkapareha sila sa mga kasayahang ginaganap sa paaralan.
Hindi malilimot ni Marilyn ang naganap nang ang klase nila ay nagkaroon ng excursion sa Balara. Nagkaroon silang magkasintahan ng pagkakataong mapahiwalay sa mga kaeskwela. Sinundan nila ang isang landas na patungo sa isang panig ng pook-aliwang naturan na kung saan maraming puno at malilim. Doon nakatikim sina Marilyn at Angelo ng pag-iisa at ng laya na bigyang-daan ang nag-aapoy na damdamin - nagpasasa sa halik at yakap na di pa nila naranasan sa buong buhay nila. At doon nangako si Angelo, pagkatapos, na buong buhay niyang iibigin si Marilyn.
Nagtapos ng high school ang dalawa at kapuwa sila tumungo sa kolehiyo. Mahaba-haba rin ang pagsasaya ni Marilyn at ang pagkakaroon ng buhay na puno ng kulay at sigla. Nguni’t isang araw ay dumating sa buhay niya ang isang masaklap na balita. Ito ang balita ni Angelo na siya ay patutungo sa Amerika, kasama ang mga magulang, sanhi ng pagkaka-approve ng immigration ng mga magulang niya.
“Ang sabi mo’y di mo ako iiwan?” pagdaramdam ni Marilyn.
“Ako’y sunud-sunuran pa rin sa aking mga magulang,” paliwanag ni Angelo. “Babalikan kita, Marilyn. O di kaya’y kukunin kita.”
“Sana’y hindi matuloy ang pag-alis mo. Nguni’t kung di maiiwasan, ibig ko sana na magpakasal tayo, kahi’t lihim lamang, bago ka umalis,” hiling ni Marilyn.
Naging napakabilis ng takbo ng panahon, sa pakiramdam ni Marilyn, nang mabatid niya na di na mapipigilan ang pag-alis ni Angelo. Si Angelo naman ay napasuong sa napakaraming gawain at alalahanin sa paghahanda sa pag-alis. Samakatuwid ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na maisakatuparan ang hiling ni Marilyn na sila’y makasal kahi’t sa huwes man lamang.
Ang pangako sa kanya ni Angelo: “Sa puso ko at kaluluwa ako’y kasal sa iyo. Huwag kang manalig, hindi katapusan ng mundo ang pag-alis ko. Ito’y simula lamang ng isang magandang kinabukasan para sa sa iyo at sa akin. Habang-buhay kitang mamahalin at pagsisilbihan.” Lumuha si Marilyn sa huli nilang pag-iisa. Lumuha pa siya nang lumuha ng masaganang luha nang sumunod na mga araw.
Kung kailan siya nagmamadali ay siya namang naging napakabagal ng pagpunta sa airport. Natagalan ang pagkuha ng taxi. Masikip ang traffic. Nahirapan siya na makapasok kaagad sa airport sapagka’t kinailangan pang kumuha ng tiket bago makapasok gayong napakahaba ang pila ng taong kumukuha ng tiket.
Wala na sa departure area si Angelo nang si Marilyn ay makarating. Nakasakay na siya sa eroplano at sa maikling sandali ang eroplana ay lumipad na. Ang kaawa-awang Marilyn ay galit na galit at lungkot na lungkot sa pangyayari. Umuwi siya na mabigat ang loob at tila wala sa sarili.
Nang bago pa kaaalis ni Angelo ay dating nang dating ang sulat at tawag mula sa Amerika. Nabuhayan ng loob si Marilyn na tapat si Angelo at tutupad sa pangako. Nguni’t nang maglaon ay dumalang nang dumalang ang mga sulat at tawag hanggang sa nang huli ay wala nang dumating na ni ha, ni ho mula kay Angelo.
Nakalimot na si Angelo. Marahil ay may nakilala nang iba sa Amerika. Si Marilyn naman ay natutong tanggapin ang katotohanan at mabigat man sa kanyang kalooban ay nagpanimulang buhay na burado na sa kanyang isip ang lalaking pinagkatiwalaan niya ng kanyang unang pag-ibig.
Nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo si Marilyn at pagkatapos ay nagkatrabaho. Nang makaipon ay inisip niya na mangibang-bayan – magtungo sa Amerika at doon ay makipagsapalaran. Nakarating siya sa Amerika sa pamamagitan ng tourist visa. Nang maglaon ay hinangad niya na magkaroon ng immigrant’s visa at iyon ay kanyang natamo sa pamamagitan ng convenience marriage – pumayag siya na mapakasal sa isang amerikano at nang magkaroon siya ng immigrant status.
Ang sa una’y bogus na pagsasama bilang mag-asawa ay nauwi sa pagiging isang tunay na pagsasama at pag-iibigan. Natutuhan ni Marilyn na mahalin ang amerikano bilang tunay na asawa sa dahilang ang lalaki ay napakabait at maalalahanin. Guminhawa ang buhay ng mag-asawa, nagkaroon ng anak at nagtamasa ng matahimik at nakaririwasang pamumuhay.
Nguni’t si Marilyn yata ay sadyang hindi mapalad sa pag-ibig. Ang asawa ay nagkaroon ng di inaasahang heart attack at iyon ay kanyang ikinamatay. Nabiyuda ang bata pang babae matapos nang sasandaling panahon ng kaligayahan sa piling ng asawa.
Sa loob ng dalawang taong kasunod ng biglang pagkamatay ng asawa ay nagluksa at nangulila si Marilyn. Naglaho ang pakiramdam sa kanyang puso na kung tawagin ay pag-ibig, o sa kanyang isip kaya, sapagka’t ito ay nalibing sa lupa kasama ng labi ng kanyang yumaong asawa. Hindi na siya iibig pang muli, sabi ni Marilyn sa sarili. Umibig siya nang sukdulan sa isang tao at naabot ang pinakamaliligayang sandali sa buhay at ano ang kanyang natamo? Kabiguan sapagka’t ang kaligayahan pala ay hindi pangmatagalan. Ang kaligayahan na kaakibay ng pag-ibig ay nagwawakas pala sa isang kisap-mata lamang.
Maraming luha at hinanakit ang ibinuhos ni Marilyn habang siya’y nagluluksa. Walang talos ang pagbisita niya sa puntod ng kanyang nasawing asawa at doon ay tila baliw na nakikipag-usap sa hangin. Hindi siya makausap ng mga kaibigan. Umiwas siya sa mga paanyaya at pakikipagkita sa mga tao. Siya’y laging ligaw at naghihirap ang kalooban. Ang pakiramdam niya ay nawala na ang kalahating bahagi ng kanyang katauhan.
Isang magandang araw, pagkagaling sa memorial park, matapos na bisitahin ang puntod ng asawa, ibig niyang makipagkita sa kanyang mga kaibigan. Nagpaunlak ang mga kaibigan na malaki ang pagkagulat at pagtataka na sila’y ibig makita ni Marilyn. Nagkita sila sa isang coffee shop at sa gitna ng takbo ng mga kuwentuhan at batian ay ibinalita ni Marilyn: “Tapos na ang aking pagluluksa!”
Namangha ang mga kaibigan niya at natuwa. “Narinig ko sa aking puso ang mensahe ng aking asawa – hindi ko gusto na ikaw ay patuloy na malungkot at magdusa; hindi ganyan ang ibig kong makita sa iyo. Kung mahal mo ako ay ipakita mo na mahal mo ang iyong sarili. Matutuwa ako kung tatapusin mo na ang iyong pagluluksa. – ”
Nagyakapan ang magkakaibigan at napuno ng masasayang ingay nila ang maliit na coffee shop. “Nagluksa na ako at dalawang taon akong nagdalamhati. Tapos na ang aking pagluluksa at pagdadalamhati! Ngayon magsisimula ang pagpapanibagong buhay ko!”
Sa kabilang dako, nagsisimula pa lamang ang pagluluksa ng isang lalaking umibig din at nabigo. Si Angelo ay sampung taong napakasal sa isang amerikana. Nagsumikap at nagtiyaga siya sa paghahanap-buhay at nang ang asawa ay mabigyan ng kaginhawahan sa buhay. Nguni’t kahi’t pala may kaginhawahan ay hindi sapat iyon upang maiwasan o maikubli ang mga di pagkakaunawaan. Ang mag-asawa ay talagang nagkakaroon ng di pagkakaunawaan paminsan-minsan, nguni’t sa kaso ni Angelo at ng kanyang asawa, palibhasa ay puti at iba ang kinagisnan ng babae, ay malimit ang di pagkakaunawaan.
Sa pagkain ay magkaiba ang panglasa ng dalawa. Hamburger ang laging ibig kainin ng babae. Si Angelo naman ay mahilig sa maasim na sinigang. Sa relihiyon, ang babae ay protestante, samantalang si Angelo ay katoliko. Sa pakikitungo sa mga kamag-anak, si Angelo ay napakamatulungin at magiliw. Ang babae ay hindi gusto ang masyadong malapit na pakikitungo sa mga kamag-anak. Ibig ni Angelo na magkaroon ng maraming anak; ayaw ng asawa na magka-anak. Ibig niya ay mag-ampon na lamang. Sa kabila ng lahat ay naging matiyaga, mapagbigay at matapat si Angelo sa kanyang asawa.
Minsan ay naatasan ng kanyang kompanya si Angelo na maging supervisor sa isang sangay sa labas ng kanyang pook na inuuwian. Sila ng kanyang asawa ay sa Philadelphia nakatira at sanhi ng bagong atas sa kanya ay kinailangang lumipat sila ng tirahan sa California. Ang higpit ng pagtutol ng babae. Hindi siya lilipat ng tirahan, hindi niya gustong tumira sa California, at pinapili niya si Angelo: “Lumipat ka ng trabaho o lumipat ka sa California na mag-isa mo!”
Hindi mahirap hulaan ang naging pasiya ni Angelo. Napuno na siya sa katigasan ng ulo at kasungitan ng asawa. Naubos na ang kanyang pasensiya sa pakikibagay sa taong iba ang kaugalian at walang pagnanais na makibagay. Nagpasiya siya na i-divorce ang asawa.
Lingid sa kaalaman ni Angelo ay may nagaganap palang bawal na relasyon sa pagitan ng kanyang asawa at ng boss nito na puti rin. Mabuti na rin na nagpasiya si Angelo na i-divorce ang asawa. Hindi lamang na siya ay may masamang ugali, iyon pala ay isa rin siyang traydor.
Ang akala ni Marilyn ay hindi na siya iibig pang muli. Nahirang na gabi ng mga gabi ang pagtatagpo ni Marilyn at ng isang dating kaibigan. Ilang linggo lamang pagkatapos niyang ipahayag ang katapusan ng kanyang pagluluksa, si Marilyn ay nasa piling na ng isang mangingibig.
Ang magkapareha ay kapuwa nangangatal sa pananabik. Pagpasok pa lamang sa silid ng hotel ay kaagad-agad na nagyakapan sila nang pagkahigpit-higpit, talo ang paglilinggis ng ahas sa kanyang biktima. Idinikit ng lalaki ang babae sa likod ng pinto, pinatay niya ang ilaw, at sa kadiliman ay nagtanim ng nagbabagang halik sa labi ng kasama. Tumindi ang init na sumisilakbo sa kanilang mga katawan. Ang kanilang mga labi at kamay ay nanginginig sa kasiyahan, nilalasap ang kapuwa labi at dinadamdam ang kinis ng pisngi, ng leeg, ng dibdib. Unti-unti silang nahubaran ng kasuotan at naging mistulang makabagong Eba’t Adan na animo’y sila lamang ang nilalang sa paraiso ng pag-ibig. Nagdikit ang kanilang kapuwa maiinit na katawan at nagkaisa ang kanilang puso at kaluluwa sa gitna ng malambot na kama. Matagal na hindi nakatitikim ng gayong sukdulang pagmamahal si Marilyn kung kaya’t naging mapagparaya siya nang gabing iyon. Tila ang lalaki naman ay batang naiwang nag-iisa sa ilalim ng isang punong hitik na hitik sa bunga. Nagsawa siya sa kapipitas ng bunga. Maraming gabing si Marilyn ay napag-isa at naghahanap ng katubusan ang malimit na nararanasang pag-iinit ng katawan gayong wala namang makapagdudulot ng katubusan.
Nang gabing iyon ay nakatikim ng kaganapan ang uhaw ni Marilyn; naabot nila ni Angelo ang pinakamataas na rurok ng kaligayahan.
Ilang araw bago dumating ang pagpunta sa hotel, nagkita na hindi sinasadya sina Marilyn at Angelo sa isang class reunion na ginanap sa Los Angeles sa California. Nilibing na ni Marilyn sa limot si Angelo. Bagama’t nakarating siya sa Amerika ni minsan ay di niya inisip na hanapin si Angelo. Hinding-hindi niya mapatatawad ang lalaking walang isang salita, ang lalaking nagsamanatala lamang sa kanyang pagkadalaga, ang lalaking duwag at walang paninindigan.
“Bakit nagpakita ka pa?” sumbat ni Marilyn.
“Hindi ko inaasahang makikita kita dito,” paliwanag ni Angelo.
“Itinuring na kitang patay,” dagdag ni Marilyn.
“Kapalaran ang nagtaboy sa akin sa reunion na ito, at ikaw’y ganoon din. Kasalanan ko ba kung ang mga landas natin ay pagsalubungin muli ng kapalaran?” tanong ni Angelo. “Patawarin mo ako, Marilyn. Ako’y nagkamali at nagsisisi. Kung ako’y bibigyan mo ng isa pang pagkakataon ay hindi na kita iiwanan pang muli. Magpakailan man.”
Pinagbigyan ni Marilyn si Angelo sa kahilingang sila’y magsayaw sa nasabing reunion. At sa saliw ng awiting “From This Moment On” ay nagkaniig na muli ang dalawang pusong dating magsim-ibig.
(I do swear that I'll always be there. I'd give anything
and everything and I will always care. Through weakness
and strength, happiness and sorrow, for better, for worse,
I will love you with every beat of my heart.)
From this moment life has begun
From this moment you are the one
Right beside you is where I belong
From this moment on
From this moment I have been blessed
I live only for your happiness
And for your love I'd give my last breath
From this moment on
I give my hand to you with all my heart
Can't wait to live my life with you, can't wait to start
You and I will never be apart
My dreams came true because of you
From this moment as long as I live
I will love you, I promise you this
There is nothing I wouldn't give
From this moment on
You're the reason I believe in love
And you're the answer to my prayers from up above
All we need is just the two of us
My dreams came true because of you
From this moment as long as I live
I will love you, I promise you this
There is nothing I wouldn't give
From this moment
I will love you as long as I live
From this moment on
At umibig na muli si Marilyn.